
“We are not lab rats!” Pahayag ng “Rise For Education” — isang samahan na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng mga mag-aaral sa Pilipinas — sa isang Twitter post, ilang lingo bago magsimula ang nalalapit na limited face-to-face classes.
Ilang buwan na ring nagiging mainit na usapin sa social media ang pagbabalik ng face-to-face classes sa kolehiyo, kabilang ang mga lugar na nasasailalim sa Alert Level 3. At pinayagan din ni Pangulong Duterte na isama ang mga lugar na nasa Alert Level 1 and 2 na magbalik eskwela sa darating naman na Pebrero ngayong taon.
Noong January 11, 2022, Martes, inanunsyo ng CHED ang muling pagbubukas ng ilang paaralan at kolehiyo para sa limited face-to-face classes sa January 31, 2022.
Samantala, ilang mga organisasyon, grupo, at mag-aaral ang naglabas ng pagkadismaya sa anunsyong ito.
Bilang isang mag-aaral, isang malaking kalokohan ang muling pagbubukas ng mga paaralan para sa mga estudyante na may takot na mahawa ng sakit dala ng COVID-19. Karamihan sa mag-aaral sa Pilipinas ay gumagamit ng pampublikong transportasyon para makarating sa eskwelahan.
Sa gitna ng pakikipag-habulan, agawan at matyagang pag-aantay na makasakay ng jeep, LRT/MRT, o bus man, malaki ang tyansa na mahawa ng virus. Kung libo-libo ang mag-aaral na babalik sa face-to-face classes, libo-libong posibilidad din ang maaaring maging dahilan para makakuha ng impeksyon dala ng virus. At kung magkaroon man ng sintomas ang mga mag-aaral, maging ang pamilya nito ng COVID-19, sasagutin ba ito ng pamahalaan?
Ayon sa datos ng Department of Health, nasa kalahati pa lamang (57.1%) ng populasyon sa bansa ang fully vaccinated, habang nasa 4,765,771 Pilipino pa lamang ang nakakatanggap ng booster shot noong January 17, 2022.
Samantala, nasa 711,055 doses ng bakuna sa isang araw ang napapangasiwaan. Ayon sa DOH, sa ganitong sitwasyon, aabutin pa raw ng 31 araw bago makapag-bakuna ng 10% pa ng populasyon sa bansa.
Ayon sa eksperto noong taong 2020-2021, ang tanging paraan upang malampasan ang pandemya na dulot ng COVID-19 ay ang tinatawag na “herd immunity”; upang maabot ito ng isang bansa, kinakailangan na ma-fully vaccinate ang nasa 80-90% ng populasyon.
Kung nasa kalahati pa lamang ng populasyon sa bansa ang fully vaccinated, at nasa higit kumulang 5 milyon naman ang nakakatanggap ng booster shot, ano ang sukatan ng pamahalaan para masabi na ligtas sa ating mga mag-aaral na muling magbalik eskwela sa gitna ng banta ng COVID-19?
Sa malayong tanaw, maaaring mahaba pa ang lalakbayin ng bansa sa pakikipag-laban nito kontra COVID-19, kung patuloy ang mabagal at maling pag-tugon ng pamahalaan sa pandemya.
Palakasan na lang talaga tayo ng guardian angel.
Reference:
Department of Health website, CNN Philippines, Reuters, MU Health Care. Rappler