Sabi nga nila, ang edukasyon ay ang tanging yaman na hindi mananakaw ninuman kaya’t kailangang pahalagahan. Paulit-ulit man nating naririnig ang salawikaing ito, hindi pa rin maikaka-ila ang katotohanang taglay nito. Ngunit sa panahon ng pandemyang ito, paano kung hindi na lamang edukasyon ang nagbabadyang mawala sa’tin kundi maging ang sarili nating kaligtasan laban sa virus, anong mas pipiliin mo?
Nitong linggo nga ay naging mainit ang usapin patungkol sa gagawing pagbubukas ng klase sa Agosto. Umani ng samu’t saring reaksyon at opinyon ang mga pahayag ni Pangulong Duterte noong lunes matapos niyang sabihing hindi siya pabor rito at kailangang unahin muna raw ang bakuna bago ibalik ang klase.
Dahil sa pandemya, isa na nga ang sektor ng edukasyon sa tuluyang naapektuhan. “Online Classes,” ang nakikitang paraan ng gobyerno bilang alternatibo upang matuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante na hindi na kinakailangang pumasok sa mga paaralan.
Bilang bahagi ng tinawatawag na ‘new normal’ sa sistema ng edukasyon sa bansa, ang online education ang nakikitang daan para maipagpatuloy ang taong panunuran sa darating na pasukan. Humahaba ang usapin patungkol dito at nahahati ang mga pananaw kung ano nga ba ang dapat gawin.
Handa na nga ba ang Pipilinas sa sistema ng ‘online education’? Epektibo nga ba ang paraang ito para masolusyunan ang mga suliraning kinakaharap nito?
Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit mainam na gawin ang online classes sa bansa:
PAGYAKAP SA MAKABAGONG TEKNOLOHIYA
Sinasabing ang online education ang magiging daan upang matuto ang mga kabataan sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Magkakaroon sila ng oras upang tuklasin ang ilan sa mga bagong paraan ng pag-aaral. Sa hakbang ding ito, mas makakasabay na ang karamihan sa pagtanggap ng makabagong paraan ng tungo sa paglinang at pagkatuto ng mga kabataan sa bansa.
MABILIS NA PROSESO AT SISTEMA
Sa paraang ito hindi na kinakailangang ng mga kung anu-ano pang mga kagamitan, basta’t may koneksyon ka lamang sa internet ay maaari ka nang makibahagi sa talakayan sa mas mabilis na paraan
MATIPID SA ORAS AT PERA
Hindi na kinakailangan ng mga mag-aaral na pumunta sa kani-kanilang paaralan. Sa online education mas makakatipid ng oras ang mga kabataan dahil hindi na nila kinakailangan gumastos ng pamasahe papasok at siguradong makakabawas sa gastos. Sa pananaw na ito, marami ang mas makakatipid habang patuloy na natututo.
Ang mga sumusunod naman ay ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi magiging matagumpay ang online education sa Pilipinas:
PROBLEMA SA MAAYOS NA KONEKSYON NG INTERNET
Alam naman natin na ang bansang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakamabagal na koneksyon ng internet. Ito ang siguradong pinakamalaking problemang dadalhin ng mga mag-aaral kung matutuloy ang sistemang ito. Hindi lahat ng mga mag-aaral ay may pribilehiyong magkaroon ng maayos na koneksyon ng internet at isa pang problema nito ay ang mga lugar na wala ring maayos na signal.
Sa katunayan, narito ang ilan sa mga balitang lumabas patungkol sa kawalan ng maayos na koneksyon ng internet matapos simulang ipatupad ng ilang mga paaralan ang online education:
Makikita sa bidyong ito ang isang estudyanteng sa Masbate na literal na umakyat ng bundok para lamang makasagap ng maayos na signal para sa isusumiteng school requirement.
WATCH: Franz Berdida, a college student in Burias Island, Masbate, literally climbed a mountain to get an internet signal and submit a class requirement.
— ABS-CBN News (@ABSCBNNews) April 30, 2020
This amid proposals of conducting online classes in the next school year due to #COVID19 pandemic. | via @jaehwabernardo pic.twitter.com/G2ngTlXbzu
Sa kasamaang-palad naman, nasawi ang estudyangteng ito sa Capiz sa paghahanap ng maayos na signal para maipasa ang mga requirements matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo.
MAHIGPIT NA DISIPLINA SA SARILI
Magiging mahirap ang sistemang ito sa parte ng mga mag-aaral. Maraming magiging balakid at istorbo sa kanilang mga focus at maaring magdulot ng karagdagang stress at iba pang mga bagay.
LIMITADONG INTERAKSYON SA MGA KAMAG-ARAL
Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang sistemang ito ay maaring makapagdulot sa mga bata ng ‘feeling of isolation’ o tila nakapuwesto sa isang lugar na kung saan hindi maaaring umalis o lumabas. Walang magaganap na maayos na pakikipag-usap o interaksyon sa mga kamag-aral gaya ng isang normal na buhay estudyante.
Ayon sa DepEd, bahagi ng Basic Education – Learning Continuity Plan (BE-LCP) o ang kanilang magiging hakbang para sa pagharap sa COVID-19 ay ang pagpili ng mga eskwelahan sa mga makabago at iba't-ibang paraan at sistema ng pag-aaral kabilang ang mga sumusunod: face-to-face, blended learning, distance learning, homeschooling, and other modes of delivery.
Ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) of the Philippines ay pabor din na hindi muna ituloy ang pagbubukas ng klase bagkus ay gamitin na muna sana ng pamahalaan ang panahon para mas paigtingin ang pakikipaglaban sa COVID-19.
Narito naman ang opinyon ng ilan sa mga guro ng Taguig City University tungkol sa usapin ng pagbubukas ng klase sa Agosto at ang sistema ng online education:
“I am not in favor of class suspension in August 2020 even without the vaccine. The experience from ECQ down to GCQ was already enough to serve as a guide on how to manage individuals to free from viruses. Online classes are definitely an effective medium to replace the traditional classroom activity because this medium is already being used by some of the universities and colleges in the Philippines,” Sabi ni Prof. Rumar R. Abaigar, Dean of College of Hospitality and Tourism Management ng Taguig City University patungkol sa pagsulong online classes.
Ayon naman kay Ms. Andrea Nacor, isang part-time faculty sa Taguig City University, mas magiging epektibo raw ang online classes kung may sapat na materials ang mga guro at estudyante.
Pabor din daw ang propesor na si Ms. Xeres Yvonne Quimora na ipatigil muna ang pagbubukas ng klase sa Agosto at naniniwala siyang epektibo ang online classes pero kailangan muna raw na ikonsidera ang kakayanan pagdating sa internet at social media.
“Malayo pa naman ang Agosto. Antayin muna natin ang magiging resulta ng COVID-19 cases ngayon Hunyo at Hulyo. Kapag patuloy na dumarami ang kaso nito sa nasabing mga buwan nararapat lamang na ipagpaliban ang pasukan. Sa aking pagkakaintindi mas mahalaga ang kalusugan ng mga estudyante kasya sa pag-aaral kasi makapag-aantay naman ang pag-aaral,” ang pananaw ni Prof. Carmelo Beltran ng Taguig City University patungkol sa pagpapaliban ng klase.
Hindi naman pabor si Prof. Monalisa B. De Leon na ipatigil ang pagbubukas ng klase dahil mas gusto niya na hindi muna dapat na magkaroon ng face-to-face na pagtuturo o pag-aaral; aniya dapat daw mas maging creative ang bawat guro sa paggamit ng iba't-ibang modalities tulad ng modular, online learning, telebisyon at radyo, o combination ng mga sumusunod kung kinakailangan.
Ang usaping ito ay tiyak na magkakaroon ng mahabang diskusyon sa bayan. Ano’t ano pa man ang maging resulta ay iisa lang naman ang ating layunin—ang mapuksa ang COVID-19 upang makabalik na sa pag-aaral ang lahat.
Ikaw ba? Oo, ikaw nga na nagbabasa nito, ano sa palagay mo ang nararapat na gawing aksyon ng Pilipinas ngayon sa sistema ng edukasyon?