Sa hindi matapos-tapos na paghihirap ng mga komyuter sa trapiko, isa sa mga solusyon na ipinatupad ay ang pagtatatag ng mga ride-hailing app. Naging maganda ang resulta nito sa mga tao, lalo na sa mga taong nagmamadaling pumasok sa trabaho, sa mga estudyante na malalate na sa eskwelahan, at kahit sa simpleng tao lamang na gustong makauwi o makarating nang mabilis sa kanilang pupuntahan.
Kung bago sa iyong pandinig ang ideya ng pagsakay sa motorsiklo ng hindi mo kilala, talagang iba’t ibang negatibong pangyayari ang pumapasok sa iyong isipan.
“Baka kung saan ka lang dalhin nyan.”
“Mamaya hindi naman pala totoong driver yan.”
Isa lamang ’yan sa mga puwedeng mangyari. Ngunit may napansin ka ba? Laging sa drayber ng motorsiklo ang sisi. Ni minsan hindi sumasagi sa ating isipan kung ano kaya ang nararamdaman ng mga drayber sa bawat hindi pamilyar na mukha na kanilang hinahatid-sundo?
Katulad na lamang ni Fabio Norberte Jr., isang hamak na tatay, anak, at empleyado ng Move It. Pumasada si Fabio noong July 16, 2026 sa pag-aakalang ang araw niya ay magiging katulad lamang ng nagdaang trabaho niya. Ngunit pagsapit ng gabi, pagkatapos ng maghapon na pagmamaneho, ay doon na rin pala matatapos ang buhay niya. Walang awang sinaksak ng kanyang pasahero si Fabio at ninakaw ang gamit niyang motor pampasada.
Sa isip siguro ni Fabio, bakit sya pa? Hindi naman siya mayaman. Nagtatrabaho lang naman siya nang patas. Bakit siya pa? May puslit pa siyang binubuhay. Siya lamang ang inaasahan ng kanyang pamilya. Kung mawawala pa siya, pati ang pagiging ama niya sa kanyang anak ay hindi na niya magagawa. Bakit siya pa?
Bakit sila pa? Hindi lang naman si Fabio ang nakaranas ng pagmamalupit galing sa kanilang mga pasahero. Mga taong nagtatrabaho lang naman upang may maiuwi sa kanilang pamilya. Sino na lamang ang uuwi kung sa daan pa lang ay nasa hukay na ang kanilang mga paa?
Pati ba naman ang mga drayber kailangan nang matakot na maghanapbuhay?