Isa ka bang One Day Millionaire bago kumalat ang COVID-19? ‘Yung tipong kada sahod mo malaki ang nilalaan mo sa mga luho at mga bagay na hindi naman mahalaga, sigurado ako, isa ka sa mga nabigla sa kaganapan ngayon sa ating bansa dahil wala kang EMERGENCY FUND!
Ngayong laganap ang pandemya at walang katiyakan, narealize mo na ba ang kahalagahan ng ipon? Naisip mo ba na sana noon ay naglaan ka ng panahon para sa pag-iipon? Kung dati wala kang pakialam kahit maka-ilang baso ka pa ng kape, o ilang milktea pa ang laklakin mo, at ang wagas na pagkain sa mga unlimited fast food chains, ngayon kumusta ka, may ipon ka pa ba?
Mapalad ka kung isa ka sa mga nasa bahay na tuloy pa rin ang trabaho. Patuloy mo pa ring nabibili ang lahat ng pangangailangan mo, pero inuubos mo pa rin ba ang iyong suweldo ngayong may pandemya? Hindi ka pa rin ba natatauhan at nababahala sa mga nangyayari?
Ngayong patuloy ang pagdami ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19, hindi sigurado ang kinabukasan. Kailangan mong magtipid at isipin ang importante sa hindi. Narito ang ilan sa mga paraan upang makatipid:
MATUTONG MAG-BADYET
Maglaan lamang ng tamang halaga ng pera para sa mga kailangang bilhin. Ilista ang mga mahahalagang bagay na higit na kinakailangan ng pamilya. Sikapin mong hindi bumili ng hindi naman kailangan.
BILHIN LAMANG ANG KAILANGAN
Tulungan mo ang sarili mo na iwasan ang tukso! ‘Wag mong bilhin ang mga bagay na hindi naman makakatulong sa’yo ngayong may pandemya. Hindi ito ang panahon para lustayin ang perang pinaghihirapan mo sa walang kuwentang mga bagay. ‘Wag maging makasarili, isipin ang pamilya at ang kinabukasan.
MAGTIPID SA KURYENTE AT TUBIG
Ngayong kailangan nating manatili sa loob ng bahay, for sure walang patayan ang ilan sa inyong mga appliances, kasabay nito ay ang madalas na pagkonsumo ng tubig sa paghuhugas ng kamay dahil sa virus at ang ilang beses na pagligo dulot ng init ng panahon.
Para makatipid, kung pwede ay magsama-sama na lang sa isang bahagi ng bahay para isang electric fan lang ang gumagana. Pwede rin kayo mag-schedule ng panonood ng TV. Siguruhing nakatanggal sa saksakan ang mga appliances na hindi naman ginagamit.
Sabi nga ni Chinkee Tan na isang financial expert at motivational speaker,
IPAGPATULOY ANG PAG-IIPON
Naging aral sana sa inyo ang panahon na ito at naiisip niyo na ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na ipon. Ngayong may COVID-19 pandemic, tuloy pa rin sa pag-iipon kahit magkanong halaga.
Siguraduhing nakakapagtabi pa rin para may madukot sa oras ng kagipitan dahil hindi natin alam kung kailan matatapos ang krisis na ito.
Sana ay makatulong sa inyo ang ilan sa mga tips na pwede mong sundin para makatipid ka ngayong may banta ng pandemya sa bansa!
Sa puntong ito bukod sa kahalagahan ng kalusugan at pamilya, nandiyan din talaga ang usapin tungkol sa ipon. Sana ay naging inspirasyon sa inyo ang panahon na ito para simulan ang pag-iipon!
Kaibigan, kumusta na nga ba ang ipon mo ngayong 2020?
Kaibigan, kumusta na nga ba ang ipon mo ngayong 2020?