Isa sa pinakang-inaabangan ng mga Swiftie ang pagpapalabas ng “The Eras Tour” ni Taylor Swift sa mga sinehan, kung saan tampok ang mga kanta ng nasabing singer mula sa kaniyang mga sikat at kilalang albums.
Maliban sa mismong pelikula, naging agaw pansin sa mga Swiftie na nanonood ang mga nakunang Security Guard na siyang nakikisayaw at nakisabay sa pagkanta sa mga awitin sa "The Eras Tour" ni Taylor Swift. Ang mga kumalat na video ng mga sumasayaw na security guard habang naka-duty sa “The Eras Tour” ay kinagiliwan at hinangaan ng mga netizens.
Isa sa mga nagbahagi ng video kung saan makikita na nakikisayaw ang security guard ay ang TikTok user na si lrnzsgn o Enzo.
“While watching Taylor Swift’s Eras Tour at SM Valenzuela last October 15, one of the security guards started dancing enthusiastically with us in the ‘Shake It Off’ song,” ayon kay Enzo.
Dahil sa kasiyahan na nabibigay ng security guard, hindi napigilan ng uploader na kuhaan ng video ang pagsasayaw ng security guard.
"Hindi ko mapigilan na hindi siya mavideohan kasi sobrang cute niya. Nagsesenyas pa siya that time na tumayo kami at sumayaw. Sobrang cute lang kasi kahit na on duty siya, nagagawa niyang maging masaya sa ginagawa niya," dagdag pa niya.
Nagviral din naman ang isa pang kuha ng isang Tiktok user na si analenskiii, kung saan makikita muli ang security guard na nakikisayaw naman sa kantang “You Belong With Me”. Ang post ay kinagiliwan din ng mga netizens at ipinahayag ng mga fans ang kanilang paghanga at pasasalamat sa masayang energy na nabahagi ng security guard sa mga nanood.