Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
Hindi kabawasan ang anumang kakulangan
By Norman Adriano 06 Dec 2022 532

Mayroong pagkakataon sa ating buhay na narinig natin ang mga katagang, 'Hindi kabawasan ang anumang kakulangan ng isang tao.' Marahil ito ay napulot natin mula sa ating mga magulang, guro, sa TV, o di kaya ay sa mga matatanda na sa tagal ay nalimutan na natin kung sino. Kung ating babaybayin, isang pangungusap lamang ito na tila ay simple  at lantad naman ang kahulugan. Ngunit kung ito ay hihimayin, malalim ang hugot nito na marahil ay hindi para sa'yo ngunit sa napakaraming indibidwal na tinatawag mating 'person with disabilities'. Sa kabila ng mga ngiti na kanilang patuloy na ipinapakita at mga katatagan na ipinapamalas ay may istoryas silang nais ibahagi na sana ay mapakinggan ng tulad mo kagaya ng mapait  na kwento ng karanasan at bagong simula ni Mark at  ng kaniyang pamilya.

 

Buwan ng Mayo,  taong 2022, isang hindi makakalimutang alaala ang nagpabago sa takbo ng buhay ng isang delivery rider sa bayan ng Lucena. Sa kasamaang-palad, habang  ginagampanan ni Mark ang kanyang hanap-buhay, isang aksidente ang muntik nang kumitil ng kaniyang buhay. Dahil sa pagkaka-bagga niya mula sa isang  truck, isang bahagi ng kaniyang katawan ang kinakailangang putulin. Ang  paa na nagsisilbing instrumento niya sa pagtatrabaho ang sa isang iglap ay nawala. Halos dalawang buwan ang itinagal niya na iniratay sa loob ng ospital at sa bawat paglipas ng araw ay bawat pagtakbo rin ng mga katanungan at pag-aalala sa kung ano na ang mangyayari hinaharap lalo pa at dalawang anak ang kaniyang itinataguyod, Iasang labing-dalawang taon na kasalukuyang nag-aaral, at ang isa ay tatlong taong gulang lamang. Kung ilalagay natin ang ating mga paa sa kalagayan ni Mark, totoong napakahirap ngang isipin kung paano na gagampanan ang kanyang tungkulin bilang isang ‘provider.’ 

 

Anim na buwan mula nang maaksidente, ngayon ay bumangon at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay. Sa kabila ng kakulangan ng Isang bahagi ng katawan ay hindi nagpatinag si Mark sa hinarap nyang pagsubok. Sa tulong ng mga mahal niya sa buhay, at ng kaniyang may-bahay sa loob ng labing-dalawang taon na si Laarni, ay magkatuwang ang dalawa sa isang negosyo na kanilang itinayo bilang panimulang pagkukunan ng pangkabuhayan, isang ‘food cart’. Siopao, siomai, burger, at ibang klase pang-meryenda ang naging specialty ngayon ni Mark at ng kaniyang asawa na kaniyang ibinebenta sa isang parke gamit ang cart na may motor na kaniyang minamaneho.   Hindi naging hadlang ang kalagayan ni Mark ngayon upang magbanat ng buto ngunit ay mas naging lakas nya ito, naging inspirasyon upang lalo pang magsumikap para sa pamilya lalo sa mga lumalaking mga anak. Ika nga n’ya, tuloy tuloy lang ang buhay. Hindi kailangang tumigil kahit na nadapa ka, kahit malaking pagbabago o problema ang ibato sa’yo ng mundo. 

 

Sa maikli pa lang na panahon na nawala ang isa sa kanyang mga paa, kasabay ng mga pagbabago sa pang araw-araw na pamumuhay gayundin ang karanasan na pagtinginan ng mga matang mapagmatyag, mga tingin na animoy may kakaiba o may pag tataka lalo ng mga bata. Ngunit ay kibit-balikat n’ya itong pinagwawalang bahala. Malaki ang pasasalamat ni Mark higit lalo sa kanyang mga magulang at mga kaibigan na syang nagsilbing tanglaw at tulong sa mga panahong lugmok s’ya. Lalo syang lumalakas at handang harapin pa ang susunod na mga bukas na kahit isang bahagi ng kanyang buhay ang nawala ay nag-uumapaw naman ang suporta at pagmamahal ng mga totoong taong nakapalibot sa kanya.

 

Isa ang kwento ni Mark, isang anak, ama at manggagawang Pilipino sa milyong milyong tao na sa kabila ng kapansanan at kakulangan ay patuloy na kumakayod at sinusuong ang anumang balakid sa buhay. Ngayon ay lubos nating naiintidihan ang mga salitang ito, 'hindi kabawasan ang anumang kakulangan ng Isang tao.' Anuman ang kapansanan o may kulang man sa ating katawan kung ang puso naman natin ay punong puno ng pagmamahal, parang walang kulang.

 

Ngayong buwan ng Disyembre, ipinagdiriwang natin ang International Day of Persons with Disabilities, hindi lang sana sa salita ang pagtulong at pagmamalasakit  natin sa kanila. Ipadama rin natin na bahagi sila lipunang ito kagaya ng mga normal na indibidwal.

Related Reads


What's New

TheJuanToVote
04 Feb 2025 244

More Articles