Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
[Editoryal] Ano ang epekto ng pagbuwag ng kasunduan ng UP at National Defense?
By Mamaro 19 Jan 2021 192

Kagabi, nag-numero uno ang #DefendUP sa Twitter Philippines matapos na buwagin ang “The University of the Philippines-Department of National Defense (DND) Accord” o ang kasunduang nagbibigay ng proteksiyon sa mga estudyanteng nais magpahayag ng kanilang damdamin patungkol sa baluktot na pamamalakad ng pamahalaan mula sa pwersa ng pulisya at military.

Nagpahayag ng samu’t saring reaksyon ang mga netizens patungkol sa anila’y pagtapak sa pang-akademikong kalayaan at karapatan ng mga mag-aaral. Ang nasabing hakbang ay pinangunahan ni Secretary Delfin Lorenzana matapos akusahan ang unibersidad sa diumano’y patagong pagre-recruit daw ng mga New People’s Army (NPA).

"Sa UP mayroon silang ala-Demilitarized Zone (DMZ). Military can’t enter without coordination," sinabi ni Lorenzana sa kanyang Twitter bilang tugon sa mga tumutuligsa sa kanyang desisyon. 

"What makes UP so special? Nasa Korean border ba kayo? CLOY is life na ba? We are not your enemies. We are here to protect our people, especially our youth," dagdag pa niya.

ANO NGA BA ANG UP-DND ACCORD OF 1989?

Ang accord o kasunduang ito ay pinirmahan noong 1989 sa pagitan nina noo’y UP President Jose Abueva at pinuno ng tanggulang pambansa at dating pangulong Fidel Ramos na naglalayong hindi maaaring makapasok sa lahat ng UP campuses sa buong bansa liban na lang sa kapag may mga delikadong pangyayari naganap, pagkakataong may emergency, o hiniling ng pamunuan ng unibersidad.

Bago pa man pormal na maisagawa ang kasunduang ito, nauna na ang “1982 Soto-Enrile Accord” sa pagitan ng student leader na si Sonia Soto at noo’y Defense Minister Juan Ponce Enrile para rin sa proteksiyon ng unibersidad sa pangingialam ng militar lalong-lalo na sa mga kilos protesta.

Maraming pangyayari sa kasaysayan ng UP ang naging daan upang tuluyang maisagawa ang kasunduang ito gaya na lamang ng pwersahang paghuli ng mga aktibista noong 1989 na labag sa kanilang karapatan na nakaranas ng pang-aabuso at pwersahang pagpapaamin sa kasalanang ‘di nila ginawa.

Kabilang na rito ang kwento ng isang propesor sa Journalism na si Danilo Arao na kasapi ng Philippine Colegian, opisyal na pahayagan ng Unibersidad ng Pilipinas, kung paano nasaksihan niya ang panggigipit daw ng militar sa isa sa kanyang kasamahan sa pahayagan na masasabing pangyayaring nagtulak para maisakatuparan ang kasunduang UP-DND Accord of 1989.

“As a news writer of the Philippine Collegian, I remember the abduction of our staff Donato Continente on the night of June 16 at Vinzons Hall. He was tortured and forced to confess to the killing of Col. James Rowe,” sinabi ni Prof. Arao.

Sa totoo lang, malaking bahagi ng buhay ng mga mag-aaral ang nasabing accord para sa kalayaan ng pagpapahayag ng sarili, ngunit dahil sa paratang ng gobyerno, tuluyang nang tinanggal ang linyang naghihiwalay para sa mga mag-aaral at military.

Malaki ang epekto ng pagkawala ng kasunduang ito na may malaking posibilidad na magbunsod ng mas malalang kaguluhan at tiyak na pagkakawatak-watak ng isa’t-isa.

Dahil sa hakbang na ito, maaaring manganib ang seguridad ng mga aktibista  dahil pwede ng gawin ng pwersa ng militar ang anumang nanaisin at gugustuhin nila kung sa paningin nila’y pagtuligsa sa pamahalaan.

Kawalang hustisya para sa karapatan ng mga mag-aaral na ipahayag ang kanilang sarili ang isa pang nakikitang malaking epekto nito—malaking tanong pa dito ay kung paano nila isasagawa ang mga pagkalampag at panawagan sa pamahalaan kung ang itinuturing nilang tahanan ay unti-unti nang nilolooban.

Siguradong makikita natin ang ‘agresibong’ pagkilos at aksyon ng pwersa ng military at kapulisan dahil sa pagbabagong pamantayang desisyon ng mga nasa itaas.

Ayon kay Pres. Spokesperson Harry Roque, suportado daw ng Pangulo ang naging aksyong ito ni Sec. Lorenzana. Matatandaang sinabi ng Pangulo na naging “safe venue” raw ang UP para sa mga NPA at kilos protesta kaya’t binalaan niyang ititigil ng gobyerno ang pagbibigay ng pondo para sa unibersidad na lalong nagpainit ng usapin.

"Si Secretary [Delfin] Lorenzana is an alter ego of the President. Of couse, the President supports the decision of Secretary Lorenzana," sinabi ni Roque sa isang press briefing.

 Samantala, sa isang opisyal na liham mula kay UP President Danilo Concepcion para kay DND Secretary Delfin Lorenzana, nanindigan siya para sa proteksyon ng pang-akademikong kalayaan ng mga mag-aaral na nais magpahayag ng iba’t-ibang uri ng demokratikong ekspresiyon.

Ang mainit na usapin na ito ay patuloy pang hahaba at lalalim dahil tiyak na magiging mahabang lakbayin ito sa pakikibaka tungo sa malayang pagpapahayag.

Anong masasabi mo sa tagpong ito ngayong 2021?

 

 

 

Related Reads


What's New

Entertainment
12 May 2021 69

More Articles