Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
Fare Hike: Paano nga ba nakaka-arangkada ang mga Tsuper ngayon?
By Samuel Mondragon 23 Sep 2022 1027

Nitong ika-16 ng Setyembre, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan dahil sa patuloy na pag-angat ng presyo ng krudo. Ang dating 11 na pisong pamasahe ay magiging 12 na piso simula ngayong ika-4 ng Oktubre. Marahil kamot ito sa ulo ng mga Pilipino dahil sa pagbaba ng estado ng ekonomiya ng bansa ngunit ito ay maliit na tulong para sa mga tsuper. Tulad nalang ng mga Jeepney drivers sa Probinsya ng Quezon. 

 

Ang probinsya ng Quezon ay binubuo ng trenta’t siyam na munisipalidad na may karaniwang dalawamput limang minuto hanggang isang oras ang layo sa mga karatig na bayan. Kaya naman pangunahing ginagamit ng mga lokal ng probinsya ng Quezon ay ang jeepney. 

 

Isa sa mga bayan dito ay ang Lopez na tinagurian University Town of Quezon Province. Maraming mga kolehiyo ang pumapasok mula pa sa mga karatig nitong bayan, kabilang ang Gumaca, Calauag, at Buenavista. Kaya naman sila ang pangunahing mga pasahero ng mga drayber dito. Ngunit nang nagsimula ang pandemya, lahat ng estudyante ay nag-online class na lamang dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa bansa, kaya’t ang hanapbuhay ng mga tsuper ay naapektohan at nagtuloy-tuloy pa ito sa pagmahal ng mga bilihin sa bansa. 

Kasama na dito si Mario Tusi, 52 taong gulang, na nagsimulang mamasada noong 1996 at bumalik muli sa pagiging jeepney driver noong 2014 sa mga bayan ng Lopez at Gumaca. Kasabay ng kanyang pamamasada ay ang pagiging operator ng jeep. Sa kanyang paghahanap buhay, naitawid nya ang kanyang dalawang anak at pinapagpatuloy nya pang pag-aralin hanggang makatapos ang dalawa pa nyang anak. Bilang tsuper, problema sa kanya ang mataas na presyo ng krudo’t iba pang mga bilihin. Ayon sa kanya, mahigpit ang kita sa panahon ngayon dahil kahit nag sisi-balikan na ang mga estudyante para sa kanilang face-to-face classes, hindi pa rin ito sapat dahil paunti-unti pa lang naman ang mga nagsisipasok. Dagdag pa nya, ang mga magulang ng mga estudyanteng ito ay pinapasabay na ang mga bilihin sa bahay upang mabawasan rin ang kanilang mga gastusin.

 

Bago magsimula ang pasukan, napagkasunduan ng kanilang samahan at ng lokal na pamahalaan na magbigay ng discount para sa mga mag-aaral dahil ayaw rin nilang sagarin ang kanilang mga pasahero sa mga panahong ito. Kung ikukumpara nya ito sa mga nakalipas na buwan, halos walang pinagbago ang kanilang kalagayan. 

 

Isa rin sa mga tsuper dito sa Lopez ay si Nomeriano Magistrado, ama ng isa. Ang kanyang ruta ay Lopez - Gumaca. Para sa kanya, hindi problema ang pagtaas ng pasahe dahil matutulungan sila nito, ngunit magiging problema ito sa mga mananakay. Pero kahit ganoon, hindi pa rin nila sigurado kung may kikitain ba sila dahil nakadepende pa rin ito sa dami ng kanilang mga pasahero. Sa normal na araw, 500 ang kanilang kinikita bawat araw, minsan hanggang 250 lamang, at minsan wala pa. Paminsan, kung sinuswerte, umaabot ng 700 ang kanilang kinikita.

 

Ngunit hindi ito ang lagay ng lahat ng mga drayber sa terminal. Tulad nalang ni Hayme Eria, ama ng dalawa, na ang ruta ay papuntang Calauag. Halos 21 taon na syang namamasada at ngayon ay isa sa mga pinakamahirap na taon sa kanya bilang jeepney driver. Ang regular na pamasahe papunta sa karatig na bayan ay 30 pesos. Kumikita sya ng 500 sa isang araw, pero kaltas dito ang bayad nila pang gasolina para makapamasada. Bawat araw, 250 ang binabayaran nya para sa diesel. At ang matitira nalang sa kanyang pera ay ipapambili nya ng kanyang tanghalian. Kaya’t kung mahina ang kikitain niya sa isang araw, wala syang maiuuwi para sa kanyang pamilya. 

 

Ayon sa mga driver, hindi naman talaga sila magtataas sana talaga ng pasahe kung hindi dahil sa pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Hindi nila ito ginagawa para makakaltas ng malaki sa kanilang mga pasahero, pero para maitawid lang nila ang kanilang pamilya sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan, dahil kung wala talaga silang kita, wala rin silang kakainin. Minsan para may pandagdag sila sa kanilang kinikita, rumaraket nalang sila, nagpuputol ng mga damo sa palayan, nagtatanim ng saging at mais, o nagbubunot ng niyog dahil ito lamang ang mga trabahong mayroon para sa kanila. 

 

Simula noong 2020, nadoble ang singil nila sa pamasahe dito sa probinsya, pero kapag bumaba na ang presyo ng gasolina sa bansa, tinitiyak nilang magbababa rin sila ng presyo sa pasahe. 

 

Kung iisipin, sugal ang pagiging tsuper dito sa probinsya ng Quezon sa panahong ito, dahil hindi sigurado kung may matatanggap ba silang pera pang gastusin sa kanilang buong pamilya. Ang fare hike ay isa sa mga paraan upang matulungan silang malagpasan ang mga problemang hinaharap nila. Kahit anong sipag na ibigay nila sa pamamasada, nakadepende pa rin ito sa kanilang paligid. Kaya’t kinakailangan nilang sumabay sa takbo ng bansa kung’di ay hindi nila makakayanang buhayin ang kanilang pamilya.

Related Reads


What's New

TheJuanToVote
04 Feb 2025 245

More Articles