Napakarami nang pagkakataong nasilayan at nasaksihan ang buong pusong katapangan at katatagan sa kamalayan ng mga Pilipino. Mula sa mga giyera, bagyo, pagputok ng mga bulkan, at iba pang kalamidad, nasubok ang tibay nating lahat.
Walang eksaktong panahon kung paano nabuo ang konsepto ng Filipino resilience o ang pagiging matatag ng mga Pilipino, ngunit sinasabing maaaring ito raw ay nag-ugat sa mga paniniwala at pananampalataya ng mga Pilipino, dahil sa tuwing may hindi mangyayaring maganda o maranasan nating mabigo ay parati nating sinasabing “bahala na” o ipinagpapasa-Diyos na lamang natin ito, at natuto raw tayong bumangon at maging matatag muli.
Sinasabi ring nag-ugat ang kulturang ito dahil sa pagkakaroon ng matibay na samahan ng pamilya at mga kaibigan na nagsisilbing karamay sa pagdating ng mga sakuna.
At ang pang-huling sinasabing pinagmulan ng kulturang ito ay natural na umusbong dahil sa dami ng mga sakuna at kalamidad na naranasan ng mga Pilipino sa mga nakalipas na milenyo.
Sabi nga ni Jose Raymund Canoy, isang Pilipinong manunulat na nakabase sa Ireland, sa isang panayam ng CNN Life tungkol sa kanyang libro na may pamagat na “An Illustrated History of the Philippines”, na ang kwento raw ng mga Pilipino ay tungkol sa pagiging matatag na tao sa isang mahinang estado o bansa.
Kaugnay nito nabanggit din niya sa panayam na ito na wala raw ibang pagpipilian ang mga Pilipino kundi ang magiging matatag na lamang.
Sa katunayan nga noong 1900 ay ‘di na raw bago sa mga Pilipino ang maranasan ang malawakang pagbaha lalo na sa kalakhang Maynila dulot ng mga bagyo, imbes na dibdibin ang problema, walang natitirang pagpipilian ang mga tao kundi itawa at mag-enjoy sa gitna ng mabigat na sitwasyon.
Ngunit, ‘di ka ba napapagod na sa tuwing susubukin na lang tayo ng mga sakuna ay laging idadahilan o isasangkalan ang kulturang ito para malampasan ang dagok?
Naaabuso ang konseptong na tila ganito na lang parati ang nagiging sitwasyon. Dapat na itong iwaksi. Nararapat lamang na bawasan na natin ang ganitong mentalidad dahil malaki ang nagiging epekto nito sa ating bayan, pagkatao, at kung paano natin harapin ang mga suliranin.
BAGYONG YOLANDA
Pitong taon na ang nakalilipas nang hagupitin ng pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng bansa. Libo-libo ang namatay at milyong halaga ng mga ari-arian ang nawasak.
Namayani ang bayanihan at bumuhos ang tulong mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Hinangaan ang pagiging matatag ng mga Pilipino sa gitna ng unos.
Ngunit, ang katatagang ito ng mga Pilipino ay hindi nagdulot ng mabilisang aksyon na makabangon at maibalik ang kabuhayang nawala sa mga biktima ng trahedya.
Hindi napagtagumpayan ng pamahalaan na matugunan agad ang kanilang mga pangangailangan, bagkus ay naging mabagal ang aksyon na inabot pa nga ng ilang taon, lumipas na lamang ito tangan ang katatagan na bumalik sa buhay na nakasanayan.
Isang nakakalungkot na larawan ng Filipino resilience.
COVID-19 PANDEMIC
Sa pinakamalaking krisis pangkalusugan na kinakaharap ng ating mundo, malinaw na nakikita ng mga Pilipino ang mabagal at kulang na mga nararapat na hakbang sa pagsugpo nito.
Muli, maraming usapin na naman ang naglabasan sa ika nga’y Filipino resilience ngayong may pandemya at tila’y ito na naman ang alas na kinakapitan ng marami.
Maging sa mga pahayag ng pangulo sa kanyang mga ‘late night address’ ay palaging ibinibida ang pagiging matatag ng mga Pilipino na kailangan lamang daw na magtiwala at lakasan ang loob.
Ang kultura na namang ito ang nagsisilbing tanglaw ng marami ngunit sa panahong ito mas marami na ang bukas ang kaisipan at lumalakas ang loob na ipinapahayag ang saloobin na hindi tayo maisasalba ng katatagan at tapang lamang, kailangan natin ng aksyon.
Sa isang social networking site na Twitter nga ay naglabas ng samu’t saring reaksiyon patungkol sa konsepto ng Filipino resilience, at sinasabing magtiwala na lamang raw tayo sa mga nasa itaas.
Sabi nga, nakasasama ang sobra. Naabuso na tayo. Naabuso na ang kulturang ito. Bukod sa tiwala, kailangan natin ng gawa kaya’t ngumangawa.
Oo, matatag ang mga Pilipino pero ‘di sa lahat ng oras ay dapat maging malakas at matapang, may panahon rin upang hayaan ang sariling tumumba at dumapa upang makaisip ng mahusay at konkretong aksyon.
Ano sa tingin mo? Oo, ikaw na nagbabasa nito!
Dapat na bang ihinto ang pagbibigay halaga sa konsepto ng ‘Filipino resilience’ sa tuwing may problema?